Pinag-iingat ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko sa pagbili ng mga panghanda o panregalo ngayon panahon ng Christmas Season, lalo na sa mga bogus na promo sales ng mga establisyimento.
Ayon kay Atty. Cyrus Restauro, consumer protection division chief ng DTI RO2 na kailangang suriin muna ng mga mamimili kung legal ang sales promo at kung may permit mula sa kagawaran upang hindi mabiktima sa modus ng promotion activities ng mga tindahan na usong-uso ngayong nalalapit ang Pasko.
Bagamat hindi saklaw ng DTI ang mga in-store promo, sinabi ni Restauro na kailangan doblehin ang pag-iingat kung ito nga ba ay “too good to be true”
Dagdag pa ni Restauro na bukod sa warranty at pag-check sa expiration date ng produkto ay mainam din na humingi ng resibo ng biniling produkto para kung magka-problema ay madali itong maibalik, maipaayos o mai-refund.
Muli rin nanawagan si Restauro sa publiko sa pagbili ng mga substandard na mga Christmas lights at iba pang mga de kuryenteng palamuti na kailangang tignan kung may Philippine standard mark at ICC sticker ang naturang mga produkto.
Mahalaga rin na isaalang-alang ang edad ng mga bata sa pagbili ng mga laruan bilang panregalo para sa kanilang kaligtasan.
Samantala patuloy din ang price monitoring ng DTI sa mga noche buena items sa rehiyon kung saan wala pa namang nakitang pagmamalabis sa presyo mula sa itinakdang SRP dahil sapat naman ang suplay nito sa merkado.