PHOTO CREDIT: DTI-Region 2

TUGUEGARAO CITY-Mahigit isang libong mga magsasaka at mga negosyante na ang natulungan ng Department of Trade Industry (DTI) sa pamamagitan ng pagbenta ng kanilang produkto sa kalakhang Maynila at sa iba’t-ibang lugar na sinimulan nitong buwan ng Marso ng taong kasalukuyan.

Ayon kay Desiree Anguluan, senior trade and industry development specialist ng DTI-region 2, mayroong
“grand bagsakan” ang ahensya kung saan dinadala ang mga sariwang gulay at mga process product na galing sa rehiyon na naibebenta sa mas murang halaga kumpara sa palengke.

Nakipag-ugnayan din ang naturang ahensya sa mga private partners para magkaroon ng mobile app na maaaring i-access ng mga mamimili para makabili pa rin sila ng mga produkto na hindi na kailangang lumabas ng kanilang tahanan at makapagbayad sa pamamagitan ng online transaction.

Mula aniya ng sinimulan ang naturang programa ay mahigit P4M na ang kanilang napagbentahan at nakapagdeliver na rin sila ng nasa 187 metric tons na mga gulay palabas ng rehiyon.

Hinimok naman ni Anguluan ang publiko na suportahan ang mga magsasaka at mga negosyante sa rehiyon sa pamamagitan nang pagbili ng kanilang mga produkto.

-- ADVERTISEMENT --