Tuguegarao City- Nakatakdang magsagawa ng monitoring ang Department of Trade and Industry (DTI) Region 2 sa presyo ng mga panindang face shield sa rehiyon.

Ito ay matapos ipatupad ang mandatory na pagsusuot nito sa lahat ng mga pasahero ng mga pampublikong sasakyan at maging sa mga establishimento bilang pag-iingat sa banta ng COVID-19.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Regional Director Romeleah Juliet Ocampo, tutulong ang kanilang tanggapan sa mga local price coordinating council ng bawat munisipyo na bantayan ang presyo ng mga face shield mula P26-50, batay sa inilabas na panuntunan o suggested retail price ng DOH.

Nilinaw naman nito na magkaiba ang presyo ng non-medical at medical grade products ng face shield.

Kaugnay nito ay pinaalalahanan naman ni Ocampo ang mga nagbebenta na sumunod sa itinakdang Suggested Retail Price (SRP) upang makaiwas sa anumang mga paglabag na maaaring ipataw laban sa mga nananamantala.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi nito na kung sakaling may mga nananamantala ng presyo ay maaaring ipagbigay alam sa tanggapan ng DOH, DTI at iba pang mga concerned agencies upang agad na maaksyunan.