Tuguegarao City- Patuloy na hinihikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) Region 2 ang mga LGUs na isulong ang “buy local ordinance” bilang tulong sa mga Micro Small Medium Enterprises (MSME’s) sa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19.
Nakapaloob sa ilalim ng naturang programa ang paglalaan ng LGUs ng 10% mula sa total procurement fund upang ipambili ng produkto ng mga maliliit na negosyante.
Sa panayam kay Michael Pagabbao, Chief of Staff ng DTI Region 2, 33 na mga LGUs na sa buong rehiyon ang nagpasa ng ordinansa bilang tugon sa nasabing programa.
Kabilang dito ang limang LGUs sa Cagayan, 13 sa Isabela, anim sa Quirino, lima sa Nueva Vizcaya at apat sa Batanes.
Paliwanag ni Pagabbao, ilan sa mga produktong binibili ngayon sa mga MSMEs ay ipinang-aayuda sa mga residente at mga frontliners habang ang iba naman ay maaaring ipamahagi bilang souvenir sa mga turista.
Kaugnay pa aniya nito ay maaari ding ilagay ng LGUs ang kanilang mga bibiling food and non-food products sa kanilang mga OTOP Store upang ibenta.
Sinabi pa ni Pagabbao na sa pamamagitan ng nasabing programa ay tataas pa ang kapasidad ng business sector sa gitna ng pandemya.
Inihayag din nito na mula sa 35% na target ng DTI na magpasa ng nasabing ordinansa ay 2% nalamang ang kailangang hintayin at sa ngayon ay may pitong LGUs pa ang kasalukuyan ang pagdinig upang isulong ito.
Tiniyak naman ng DTI Region 2 ang paggawa pa ng maraming hakbang upang matulungan ang publiko lalo na ngayong panahon ng krisis bunsod ng COVID-19.