Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong Sabado na mananatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin hanggang Abril 16, sa kabila ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng krisis sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, saklaw nito ang humigit-kumulang 205 stock keeping units (SKUs) na ibinebenta sa mga supermarket, grocery stores, at online platforms.

Wala munang itataas na presyo sa mga produktong ito hanggang Abril 16, habang ang ilan ay mananatili rin sa kasalukuyang presyo hanggang katapusan ng Abril.

Binigyang-diin ng DTI na bagaman mananatiling stable ang presyo sa ngayon, posibleng tumaas ang ilang pangunahing bilihin sa ikalawang kalahati ng Abril.

Hinimok ng ahensya ang publiko na maging handa sa anumang pagbabago sa presyo at ipagpatuloy ang maingat na pamimili.

-- ADVERTISEMENT --

Ang paunang katiyakan ng DTI ay nagbibigay-lunas sa pangamba ng mga mamimili sa gitna ng umiigting na tensyon sa Gitnang Silangan at epekto nito sa global oil market.