Sugatan ang ilang indibidwal matapos bumangga ang isang dump truck sa tatlong sasakyan at tuluyang bumaliktad sa bahagi ng ginagawang daan sa Barangay Zitanga, Ballesteros, Cagayan, bandang alas-4 ng hapon noong Hunyo 11, 2025.

Ayon kay PCPL. Erick M. Costales ng PNP Ballesteros at imbestigador ng kaso, habang bumababa sa one-lane na bahagi ng kalsadang kasalukuyang kinukumpuni ang isang Isuzu dump truck na may kargang lupa, ito ay pansamantalang pinahinto ng flagman upang bigyang-daan ang kasalubong na sasakyan.

Ilang sandali pa, nawalan umano ito ng preno at hindi na nakontrol ng drayber ang sasakyan.

Sa kabila ng walang tigil na pagbubusina ng tsuper bilang babala, bumangga ang truck sa likuran ng isang kulung-kulong.

Kasunod nito, tumagilid ang truck at nadaganan ang isang Hyundai Grace van, bago pa tuluyang bumangga sa isang Toyota Hilux pick-up.

-- ADVERTISEMENT --

Nagtamo ng sugat ang drayber ng dump truck at dinala sa Ballesteros District Hospital.

Sugatan din ang drayber at pasahero ng kulung-kulong, gayundin ang mga sakay ng van, at agad silang isinugod sa Far North Luzon General Hospital sa Luna, Apayao para sa agarang medikal na atensyon.

Samantala, ligtas at walang tinamong sugat ang drayber at mga pasahero ng Toyota Hilux na pawang taga-Barangay Alem, Pudtol, Apayao.