Patuloy ang pagtugis ng mga otoridad laban sa limang nagpakilalang miyembro ng pulisya na tumangay umano sa isang dump truck na ginamit sa pangangampanya ng isang kandidato sa Brgy. Sto. Tomas, Abulug, Cagayan noong umaga ng Sabado, Mayo-7.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, habang ginagamit ang dump truck sa campaign jingle ng isang kandidato para sa Sangguniang Bayan ay bigla umanong huminto sa harap nito ang isang toyota fortuner lulan ang limang suspek at nagpakilalang miyembro ng PNP na nakatalaga sa Highway Patrol Group.

Inutusan umano ng isang suspek ang driver ng truck na si Danilo Beltran na bumaba sa kanyang sasakyan, kinuha ang kanyang cellphone at sapilitang isinakay sa fortuner.

Dalawa naman sa kasama ng mga suspek ang nagmaneho ng truck sa hindi pa mabatid na direksyon.

Habang dinala sa isang Snack House sa Cabuluan West, Ballesteros ang biktima na kalaunan ay ibinaba at iniwan namang mag-isa sa Brgy. Sta. Rosa, Abulug na agad namang nagsumbong sa PNP-Abulug.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng mga operatiba para sa beripikasyon ng umanoy insidente ng pag-carnap sa sasakyan habang pinaigting din ang COMELEC checkpoint para sa posibleng pagkahuli ng mga hindi pa nakikilalang salarin.