Kinuwestiyon ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang paraan ng paglalabas ng ebidensya ng prosecution sa kanyang kaso sa International Criminal Court o ICC.

Sa ikatlong status conference ng Trial Chamber III, sinabi ng defense counsel na si Peter Haynes na nasa humigit-kumulang 62,500 exhibits, 324,000 pahina ng ebidensya at mahigit 1,000 video at audio files ang nailabas sa Registry ng korte.

Ayon kay Haynes, magulo umano ang pagkakaayos ng mga dokumento at nahirapan ang depensa na suriin ang mga ito, lalo’t malaking bahagi ng ebidensya ay hawak na umano ng prosecution mula pa noong Nobyembre 2021.

Sinabi rin niyang umabot sa halos €500,000 ang tinatayang gastos para sa isang AI tool na maaaring gamitin sa pagsusuri ng napakaraming dokumento.

Samantala, itinanggi ng prosecutor at Senior Trial Lawyer na si Julian Nicholls na ganito kalala ang sitwasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, “really exaggerated” umano ang paglalarawan ng depensa at may ilang duplicate lamang sa mga dokumento.

Dahil dito, inatasan ni Presiding Judge Joanna Korner ang prosecution na magsumite ng listahan ng mahahalagang ebidensya, habang binigyan naman ng pitong araw ang depensa para isumite nang nakasulat ang kanilang mga reklamo at suhestiyon.