Iginiit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na pinatay niya ang anim o pitong katao noong siya pa ang mayor ng Davao City, at sinabi niya na umiikot siya sa lungsod gamit ang motorsiklo at baka may matsambahan na mga kriminal.

Sagot ito ni Duterte sa tanong sa kanya ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa House Quad committee hearing kahapon kung totoo ang una niyang sinabi na may pinatay siya na mga tao.

Kinumpirma ito ni Duterte, at kabilang umano sa kanyang mga pinatay ay mga tiwaling pulis.

Gayonman, sinabi din ni Duterte, na hindi rin siya tiyak kung namatay ang mga ito dahil hindi na siya nagtanong sa mga ospital sa kinahitnan ng mga ito.

Inamin din ni Duterte na kung may violent resistance ang mga kriminal, utos niya sa mga pulis na patayin ang mga ito dahil wala siyang pasensiya sa mga kriminal.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit, nilinaw niya na hindi maaaring patayin ang naka-posas o nakatali ang mga kamay, dahil hindi umano trabaho ito ng isang totoong lalaki.

Idinagdag pa ni Duterte na may pagkakataon noong siya pa ang mayor ng Davao City na pinapatay niya ang mga pulis na may nagawang krimen.

Sagot ito ni Duterte sa tanong sa kanya ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel tungkol sa kanyang drug war.