Kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) na ganap na kinikilala bilang valid identification ang e-driver’s license na inilalabas sa pamamagitan ng Land Transportation Management System (LTMS).

Maaari itong gamitin ng mga motorista kapag may traffic inspection o kapag nahuli sa paglabag sa batas trapiko.

Ayon sa LTO, nakabatay ang patakarang ito sa Department of Transportation (DOTr) Department Order No. 2023-015 na inilabas noong 2023.

Sa ilalim ng kautusan, maaaring ipakita ng driver ang digital na lisensya bilang kapalit ng pisikal na driver’s license card, lalo na kung walang dalang aktuwal na lisensya sa oras ng inspeksyon o apprehension.

Nilinaw ng ahensya na obligado ang mga traffic enforcer ng LTO at ang kanilang mga deputized agents na tanggapin ang e-driver’s license basta ito ay opisyal at direktang ina-access mula sa personal na LTMS account ng may-ari.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi kikilalanin ang screenshot, litrato, photocopy, o anumang hindi opisyal na digital na bersyon ng lisensya.

Awtomatikong naibibigay ang e-driver’s license sa mga aplikante na kumukuha ng bagong lisensya o nagre-renew ng kasalukuyang lisensya gamit ang LTMS portal.

Maaari rin itong ma-access sa pamamagitan ng eGovPH digital services portal.

Patuloy namang hinihikayat ng LTO ang mga motorista na tiyaking aktibo at maa-access ang kanilang LTMS account upang maiwasan ang abala sa oras ng traffic inspection o pagpapatupad ng batas trapiko.