Naghahanap ngayon ang mga kongresista ng alternatibong sugal upang makabawi sa economic losses dahil sa pagbabawal sa operasyon ng lahat ng Philippine offshore gaming operators (Pogos).

Sa pagdinig ng House committee on appropriations sa budget ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) para sa 2025, tinanong ni OFW Rep. Marissa Magsino si Pagcor Chair Alejandro Tengco kung posible na gawing ligal ang ipinagbawal din na “e-sabong” upang matulungan ang ahensiya na makalikom ng kita sa gitna ng pagbabawal sa Pogo.

Matatandaan na ipinagbawal ang e-sabong o online cockfight gambling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong May 2022 kasunod ng pagkawala ng 30 mananabong na sangkot sa e-sabong operations.

Pinagtibay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang suspension noong December sa nasabing taon.

Tinaya ng Pagcor na aabot sa P7.5 billion ang mawawalang kita ng bansa mula sa pagbabawal ng Pogo.

-- ADVERTISEMENT --