
Natapos ang kampanya ni Alexandra “Alex” Eala sa women’s singles ng Abu Dhabi Open matapos itong mabigo kay world No. 11 Ekaterina Alexandrova, 6-3, 6-3, sa quarterfinals nitong Huwebes.
Nagpakita ng matibay na laban ang 20-anyos na Filipina, lalo na sa ikalawang set kung saan pansamantala niyang nabura ang maagang 3-1 abante ni Alexandrova upang maitabla ang iskor.
Gayunman, ginamit ni Alexandrova ang kanyang karanasan upang tuluyang isara ang laban.
Bago ang quarterfinal exit, nagwagi si Eala laban kina Zeynap Sonmez, 6-4, 6-3, at Aliaksandra Sasnovich sa isang dikdikang tatlong-set na laban, 2-6, 6-4, 7-6(5), sa unang dalawang round ng torneo.
Hindi pa tapos ang kampanya ni Eala sa Abu Dhabi dahil sasabak pa siya sa doubles event kasama si Janice Tjen, simula sa quarterfinals.
Matapos ang Abu Dhabi Open, ipagpapatuloy ni Eala ang kanyang Middle East swing sa nalalapit na Qatar Open.
Ngayong taon, umabot si Eala sa semifinals ng ASB Classic at maagang natanggal sa unang round ng Australian Open.










