TUGUEGARAO CITY-Hinimok ng Department of Education (DepEd)-Region 02 ang mga magulang na makiisa sa isasagawang early registration para sa school year 2021-2022 na magsisimula sa Marso 26 hanggang Abril 30 ng taong kasalukyan.

Ayon kay Amir Aquino, tagapagsalita ng DepEd-Region 2, kasalukuyan na ang information dissemination ng mga kaguruan sa kanilang mga nasasakupang lugar.

Aniya, prioridad sa kanilang early registration ang mga batang papasok sa kindergarten, grade 1, grade 7 at grade 11 dahil mahalaga na malaman ng kagawaran ang bilang ng mga enrollees sa mga nasabing antas.

Tiniyak naman ni Aquino na susundin ng kanilang mga guro ang mga nakalatag na health protocols habang isinasagawa ang pagtatala bilang pag-iingat sa nakakahawang virus.

Pinayuhan naman ni Aquino ang mga magulang na makipag-ugnayan sa mga eskwelahan na papasukan ng kanilang anak para makuha ang mga kinakailangang dokumento sa gagawing early registration.

-- ADVERTISEMENT --
Tinig ni Amir Aquino

Samantala, nasa 52 na eskwelahan ang isinumite ng DepEd-Region 2 sa central office na kabilang sa mga maaring magsagawa ng limited face-to face class sa oras na ito’y aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Mula sa nasabing bilang, 23 eskwelahan ay mula Schools Division Office ng Batanes, siyam sa Cauayan, tig-anim sa Cagayan at Isabela habang tig-apat naman sa Nueva Vizcaya at Ilagan city.

Paliwanag ni Aquino, nagkaroon ng kunsultasyon at pag-uusap ang kagawaran ng edukasyon sa mga Local Government Unit (LGU) at may mga ikinonsiderang panuntunan ang kanilang tinignan tulad ng mababang kaso ng covid-19, reaksyon ng mga magulang at iba pa bago napasama sa listahan ang isang eskwelahan.

Tinig ni Amir Aquino