Binigyang-diin ni Tingog party-list Rep. Jude Acidre na ang mga ebidensya, at hindi ang nalalapit na 2028 presidential elections, ang dapat maging batayan ng Kongreso sa pagtalakay ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Acidre, habang may mga kongresistang nag-aalala sa posibleng epekto nito sa politika, dapat manatiling nakatuon ang proseso sa tanong kung may sapat na basehan at pananagutan sa mga paratang laban sa Bise Presidente.

Inihayag niya ito habang naghahanda ang House Committee on Justice para sa pagdinig sa Abril 22, kung saan inaasahang ilalatag ang karagdagang ebidensya sa impeachment complaints.

Sinabi rin ni Acidre na mahalaga ang masusing pagsusuri ng mga ebidensya, lalo na para sa mga bagong miyembro ng Kamara na hindi kasama sa naunang imbestigasyon.

Patuloy na sinusuri ng komite kung may probable cause para maitaas ang reklamo sa Senado na magsisilbing impeachment court, habang nananatiling isa si Sara Duterte sa mga lumalabas sa mga survey para sa 2028 presidential race.

-- ADVERTISEMENT --