TUGUEGARAO CITY- Hinikayat ng Employees’ Compensation Commission o ECC Region 2 ang mga empleado sa pribado at gobyerno na nagpositibo o person under investigation ng covid-19 na may makukuha silang benepisyo mula sa tanggapan.
Sinabi ni Remy Andrada, ng ECC na hindi dapat mahiya ang mga nasabing pasyente na dumulog sa kanilang tanggapan.
Ayon sa kanya, sa ngayon kasi ay apat pa lang ang nag-apply sa kanilang tanggapan na dating nagpositibo sa covid-19 para makakuha ng cash assistance samantalang marami na ang nagkaroon ng katulad na sakit sa rehion.
Sinabi pa niya na may cash benefits din na makukuha ang pamilya para sa mga namatay na pasyente.
Ipinaliwanag ni Andrada na para naman sa PUI, mag-apply muna ng kanilang claims sa SSS para sa mga private employees at sa GSIS naman sa mga government employees.
Idinagdag pa ni Andrada na lahat ng mga empleado na nagkaroon ng work related contingencies ay makakakuha ng benepisyo mula sa ECC basta mag-apply lamang ng kanilang claims.