TUGUEGARAO CITY-Ginawaran ng pagkilala bilang Best Municipal Police Station sa buong bansa ang Echague Police Station sa katatapos lamang na 118th Police Service Anniversary sa Camp Crame nitong araw ng Biyernes.
Iginawad mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang parangal kung saan tinanggap ito ni Police Major Andy Orilla, hepe ng Echague Police Station.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao kay Police Capt. Geriyell Frogoso, deputy chief of police ng Echague-PNP, isang karangalan sa kanilang hanay ang pagkapili sa kanilang station na Best Municipal Police Station.
Ayon kay Frogoso, mataas ang naging rating ng kanilang station sa mga ipinasa nilang mga reports kabilang ang kanilang mga accomplishment.
Aniya, nagtungo rin ang ilang mga kapulisan sa kanilang himpilan mula sa camp crame na nagsagawa ng evaluation ukol sa kahandaan ng kanilang station sa pagresponde ng anumang krimen.
Naging positibo umano ang naging resulta sa kanilang hanay na isa sa mga naging basehan sa pagpili ng tatanghaling Best Municipal Police Station.
Bagamat hindi mabatid ni Frogoso ang kanilang naging rating, sinabi nito na mahigit isang porsyento lamang ang kanilang itinaas sa mahigpit nilang nakatunggali na Sto Domingo Police Station sa Ilocos Sur.
Samantala, hamon din kung ituring ni Frogoso ang kanilang natanggap na parangal para mas lalo pang magpursige para sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan ng kanilang nasasakupang lugar.