Tuguegarao City- Umapela ang National Eco-waste Coalition sa mga Local Government Unit (LGU) at iba pang mga concerned agencies upang bigyan ng hazard pay ang mga garbage collectors.
Ito ay kaugnay sa patuloy na pagtatrabaho ng mga ito upang hakutin ang mga basura at mapanatili ang kalinisan ng mga lansangan sa gitna ng umiiral na na Enhanced Community Quarantine.
Sa panayam kay Aileen Lucero, National Coordinator ng Eco-waste Coalition, kailangang ikonsidera ang kalagayan at trabaho ng mga garbage collectors.
Ayon sa kanya, maraming mga infectious waste ang nahahawakan ng mga collectors at kabilang na dito ang mga gamit na facemask na itinapon sa basurahan.
Giit ni Lucero ay hindi matutumbasan ng pera ang pagsasakripisyo ng mga ito upang mapanatili ang kalinisan at kung hindi hahakutin ang mga basura ay maitatambak lamang ito sa paligid.
Kaugnay nito, umapela ang opisyal sa lahat na bigyang pansin ang pagbibigay sa kanila ng hazard pay upang matulungan sa gitna ng banta ng COVID-19.
Hinimok naman nito ang publiko na maging responsable sa pagtatapon ng basura at balutin ng papel ang mga disposable face mask upang makaiwas sa pagkalat ng virus at iba pang uri ng sakit.