TUGUEGARAO CITY- Muling ipapatupad ang Enhanced Community Quarantine o ECQ sa Tuguegarao City simula mamayang hatinggabi hanggang August 21.
Sinabi ni Mayor Jefferson Soriano na alarming na ang kaso ng covid-19 sa lungsod na mahigit na sa 700 mula August 1 at ang pinakamataas na bilang ay naitala kahapon na 122 new cases.
Sa nasabing bilang siyam ang namatay, apat mula sa mga hospital habang ang lima ay sa kani-kanilang mga bahay na saka lamang nalaman na positibo sila sa virus ng isailalim sila sa swab test nang bawian na sila ng buhay.
Sinabi ni Soriano na hindi kasama ang mga namatay sa kanilang listahan ng mga nagpositibo na dahilan kaya nagkaroon na ng local transmission.
Idinagdag pa ni Soriano na ang isa ring dahilan kaya nila inirekomenda sa Regional Inter-Agency Task Force ang ECQ ay dahil sa healthcare utilization rate kung saan ay kulang na ang isolation unit sa Cagayan Valley Medical Center.
Ayon sa kanya, may ibang pasyente na ng covid-19 ang nasa kanilang mga sasakyan habang naka-oxygen habang naghihintay ng kanilang silid sa ospital.
Bukod pa ito sa mga pasyente na nasa ginawang tent sa labas ng nightigale ward.
Sinabi ni Soriano na sapat pa naman ang mga isolation facilities sa lungsod subalit ito ay para sa mga hindi na kailangang dalhin sa mga ospital.
Ayon pa kay Soriano, magpapatayo pa sila ng karagdang isolation facility at naghahanap na rin sila ng isolation facility para sa delta variant bagamat wala pang kaso ng nasabing virus sa lungsod.
vc soriano aug 12
Samantala, sinabi ni Soriano na kanselado ang lahat ng aktibidad para sa kapistahan ng lungsod sa August 16 at ang tanging gagawin na lamang ay misa.