TUGUEGARAO CITY- Pinalawig ng hanggang Setyembre 12 ang pagpapairal ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa lungsod ng Tuguegarao bunsod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng covid-19.

Ito batay sa naging rekomendasyon ng Regional IATF sa unang kahilingan ng pamahalaang panlungsod na na ibaba sa Modified ECQ ang quarantine status ng Tuguegarao City.

Kaugnay nito ay ang rekomendasyong pagpapatupad ng mga granular lockdown sa mga barangay na may matataas na kaso ng COVID-19.

Sa ngayon ay patuloy na pinapaalalahanan ang publiko na sumunod sa mga nakalatag na panuntunan upang maiwasan ang patuloy na pagkalat ng virus sa lungsod.

-- ADVERTISEMENT --

Sa huling datos ng City HEalth Office ay nadagdagan pa ng 101 ang bagong aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod kayat umakyat na ito sa kabuuang 1,113 habang pumalo na rin sa 308 ang bilang ng mga nasawi.

Subalit sa kabila na nasa ECQ pa rin ang lungsod, pinapahintulutan na ang operasyon ng public transportation kabilang ang tricycles, vans at eroplano batay sa guidelines ng national IATF simula ngayong araw.

Para sa mga tricycle driver ay susundin pa rin ang color coding sa pamamasada.