TUGUEGARAO CITY- Ipinaliwanag ni Mayor Jefferson Soriano ng Tuguegarao City ang kanilang desisyon na palawigin ng 5 days ang Enhanced Community Quarantine o ECQ.

Sinabi ni Soriano na kailangan na palawigin ang ECQ dahil sa kabila ng pagpapatupad ng 10 days na ECQ ay tumaas pa ang kaso ng covid-19 sa lungsod.

Ayon sa kanya, bago ang ECQ ay nakapagtala ang lungsod ng 16 cases per day subalit nang ipatupad ang ECQ ay mayroon nang 23 cases per day.

Ayon sa kanya, maaaring ito ay dahil sa isinagawang aggressive community testing at contact tracing.

-- ADVERTISEMENT --

Batay naman sa inilabas na datos ni Dr. James Guzman, head ng City Health Office na kagabi ay may 308 active covid—19 cases ang lungsod kung saa 13 dito ang new cases.

Sinabi ni Dr. Guzman, sa nasabing bilang 191 cases ang mula sa communities, 23 ang detainees sa Cagayan Provincial Jail at 94 naman sa mga frontliners na kinabibilangan ng mga pulis, barangay officials, Aviation personnel, TMG, BFP, healthcare workers, ilang kawani ng DOH , rescuer ng provincial government at kawani ng city hall kabilang si Mayor Soriano.

Dahil dito, muling umapela si Mayor Soriano sa publiko na sumunod sa mga procotols na umiiral sa ilalim ng ECQ.

Binigyan diin niya na mahirap man ang ganitong sitwasyon subalit kailangan na harapin dahil mas magiging mahirap kung lalo pang tataas ang kaso ng covid-19 sa kalungsuran.