TUGUEGARAO CITY- Ikinabahala ng Commission on Population (POPCOM) ang lubhang itinaas ng teenage pregnancy sa mga may 10 hanggang 14 sa Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni POPCOM Deputy Executive Director Lolito Tacardon na pabata ng pabata ang mga kabataang nasasangkot sa early sexual encounter.

Batay sa datos, nasa 63% o mahigit 2,000 ang bilang ng itinaas ng mga nanganganak na batang ina kumpara sa mga nakalipas na taon.

Lumalabas din na karamihan sa mga kalalakihang nakabuntis ay mas matanda kumpara sa batang ina.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, sinabi ni Tacardon na bumaba ang insidente ng teenage pregnancy sa mga kabataang edad 15 hanggang 19.

Kaugnay nito, mahalaga aniya ang pagtutulungan ng komunidad upang matugunan ang teenage pregnancy tulad ng pagsasagawa ng interventions hindi lamang sa paaralan.

Isasama na rin sa mga interventions ang mga kabataang kalalakihan at pagbibigay ng social protection sa mga batang magulang.

Makikipagtulungan din ang ahensiya sa mga lokal na pamahalaan para sa pagbibigay ng sapat na maternal services sa mga teenage mothers.

Ayon kay Tacardon na plano rin ng ahensiya na isama ang mga teenage mothers sa family planning services upang mapigilan ang pag-aanak ng marami.

Iginiit ni Tacardon na mapanganib sa kalusugan ang maagang pagbubuntis.