Hinimok ng Second Congressional Commission on Education (Edcom 2) ang Department of Education (DepEd) na suriin muli ang patakaran sa pagtatatag ng mga School Division Office (SDO) matapos matuklasan ang hindi pantay na distribusyon ng mga ito sa buong bansa.

Batay sa pag-aaral ng komisyon, may malaking agwat sa bilang ng mga paaralang nasasakupan at pinangangasiwaan ng mahigit 200 SDOs. Dahil dito, nagkaroon umano ng hindi pantay na alokasyon ng mga pondo, tauhan, at suporta sa mga pampublikong paaralan.

Ayon sa Edcom 2, may mga lalawigan at lungsod na may sobrang dami ng paaralang nasasakupan, habang ang iba naman ay kakaunti. Halimbawa, ang mga SDO sa Leyte at Cebu ay nangangasiwa ng mahigit 1,300 paaralan, samantalang ang SDO sa Batanes ay may 28 paaralan lamang.

Tinukoy ng komisyon na ang ganitong kalagayan ay bunga ng mga limitasyong nakasaad sa Republic Act No. 9155 o Governance of Basic Education Act of 2001, na nagtatakda ng istruktura ng mga SDO at ng kapangyarihan ng DepEd sa paglikha nito.

Dahil dito, pinag-aaralan ngayon ng Edcom 2 at DepEd kung kinakailangang amyendahan ang nasabing batas upang mas maayos na maipamahagi ang pangangasiwa sa mga paaralan at mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bawat rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --

Inaasahan ng komisyon na magsusumite ang DepEd ng mga rekomendasyon hinggil sa posibleng pagbabago sa batas at mga kailangang pondo para maisakatuparan ang reporma.