Nakakuha ng pinakamalaking alokasyon ang education sector sa panukalang 2026 national budget na P1.224 trillion.
Sa kanyang budget message, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ito ay pagtupad sa constitutional mandate na maglaan ng pinakamataas na prayoridad sa education sector.
Sinabi ni Marcos na ito ay pagtugon sa inirerekomendang education spending ng UNESCO Education 2030 Framework for Action na naglalaan ng 4 hanggang 6 percent ng Gross Domestic Product sa edukasyon.
Ito ay dahil na rin sa pag-adopt ng Pilipinas sa whole-of-government approach sa pamumuhunan sa learners, kabilang ang education expenditures ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, na maaaring kunin mula sa kanilang Annual Block Grant at kanilang sariling sources of revenues, at ang Special Education Fund ng local governments.
Sinabi ni Marcos na matutugunan din ng national Government education spending ang UNESCO-recommended 15 hanggang 20 percent ng total public expenditures, na nakalinya sa pangako ng administrasyon na pagpapatupad ng child-responsive budget at nurturing future-ready generations.
Kabilang sa budget allocation sa nasabing sektor ang P928.5 billion para sa Department of Education (DepEd), na may pagtaas na 18 percent mula sa P782.2 billion allocation Fiscal Year 2025 General Appropriations Act (GAA).
Samantala, inilaan naman ang P134.9 billion sa State Universities and Colleges, mas mataas ng 6.1 percent mula sa P127.2 billion aloocation sa FY 2025 GAA.
Makakatanggap naman ng P33.9 billion ang Commission on Higher Education (CHED) at P20.2 billion ang ibibigay sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Idinagdag pa ni Marcos na tinaasan din ng kanyang administrasyon ang alokasyon para sa Teaching Allowance sa 3.2 percent, mula sa P9.9 billion sa ilalim ng FY 2025 GAA sa P10.3 billion para sa FY 2026.
Ayon kay Marcos, ito ay upang matugunan ang dinobleng allowance na P10,000 bawat public school teacher, epektibo sa School Year 2025-2026.