TUGUEGARAO CITY- Mahigpit na babantayan ng mga otoridad ang Eid Al- Adha celebration ng mga muslim sa Tuguegarao City sa August 11 at 12.
Sinabi ni Police Major Ruben Verbo ng PNP Tuguegarao na may 27 personnel ang magbabantay sa centralized celebration ng mga muslim sa peoples gym.
Bukod dito, sinabi ni Verbo na babantayan din ang tatlong mosque sa lungsod.
Ayon sa kanya, kailangan na magpakita ng mga ID ang mga dadalo sa selebrasyon.
Ito ay aniya ay upang matiyak na walang mangyayaring karahasan sa aktibidad kasunod na rin ng kumalat na alert memo mula sa Northern Luzon Command sa social media na may banta ng pag-atake ang ISIS sa Tuguegarao City at iba pang bahagi ng bansa.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Mariano Baylon Jr., chairman ng Brngy. Centro 10 kung saan matatagpuan ang muslim community na kinukuha na nila ang pangalan ng lahat ng muslim sa kanilang lugar.
Ito ay bilang tugon sa kautusan ni Mayor Jefferson Soriano upang mamonitor kung may mga bagong pasok na mga muslim sa lungsod.
Samantala,una na ring ipinag-utos ni Soriano ang pagbabawal sa pagdadala ng bagpack sa dalawang aktibidad sa kapistahan ng lungsod, ang Tug-sayaw at Afi presentation dahil sa banta umano ng ISIS attack.