Nasungkit ng Filipino Olympian at pole vaulter EJ Obiena ang gintong medalya matapos maghari sa 1st International Pole Vault Meeting sa Halberstadt, Germany.

Naitala ni Obiena ang 5.76 meters sa kanyang first attempt at masungkit ang kanyang ikaanim na gold medal ngayong taon.

Sa huling bahagi ng torneo, nauwi ang laban para sa ginto kina Obiena at Abdelsalam Seifeldin ng Qatar matapos ma-clear ng huli ang 5.66 meters sa kanyang third attempt.

Ngunit matagumpay na na-clear ni Obiena ang 5.76 meters sa kanyang first attempt habang nabigo si Seifeldin na ma-clear ang parehong taas, dahilan upang maiuwi ng Pinoy ang kampeonato.

Sinubukan pa ni Obiena na lampasan ang kanyang season-best sa pamamagitan ng pag-clear ng 5.90 meters, ngunit hindi niya ito nagawa sa tatlong attempts.

-- ADVERTISEMENT --

Pumangalawa si Seifeldin matapos maitala ang 5.66 meters, habang pumangatlo naman ang Amerikanong si Cole Walsh na may clearance na 5.56 meters.

Ito ang ikalawang sunod na podium finish ni Obiena matapos magwagi ng silver medal sa Spain dalawang linggo na ang nakalipas, kung saan naitala niya ang kanyang season-best na 5.85 meters.

Inaasahan namang dedepensahan ni Obiena ang kanyang titulo bilang reigning Asian Games champion sa Aichi-Nagoya Asian Games na gaganapin ngayong Setyembre.