
Nilinaw ni JV Ejercito na sisiguruhing susunod sa itinakdang proseso ang pagtalakay sa ethics complaint laban kay Ronald “Bato” dela Rosa, na iniulat na matagal nang hindi nagpapakita sa Senado.
Ayon kay Ejercito, bagama’t maaaring maantala ang pag-usad ng reklamo, hindi ito nangangahulugang agad itong ibabasura. Ipinaliwanag niya na kasalukuyang walang malinaw na probisyon sa Senate rules hinggil sa matagal na pagliban ng mga senador, kaya’t kinakailangan muna itong repasuhin at amyendahan.
Dagdag pa niya, ang anumang pagbabago sa mga patakaran ng Senado ay kailangang aprubahan ng buong kapulungan, at hindi lamang ng Ethics Committee.
Binigyang-diin din ng senador na mahalaga ang pagsunod sa due process sa pagresolba ng mga kasong kinahaharap ng sinumang miyembro ng Senado.










