
Posibleng magsimula ang El Niño phenomenon sa Agosto hanggang Oktubre ngayong taon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Ayon sa PAGASA, sinimulan nila ang monitoring ng potensyal na pagbuo ng El Niño noong Disyembre ng nakalipas na taon, at nakita nila ang malaking posibilidad ng nasabing phenomenon ngayong taon.
Subalit nilinaw ng PAGASA na sa panahon ng El Niño, hindi ibig sabihin na pagkakaroon ng tagtuyot.
Ang ibig sabihin din ng El Niño, ang Western Luzon area, na tinatawag nilang Type 1 climate sa panahon ng habagat, makakaranas din ng malalakas na pag-ulan.
Nagbabala ang ahensiya na maghanda ang mga residente sa Western Luzon kung papasok na ang El Niño, dahil sa magkakaroon ng malalakas na ulan na magdudulot ng mga pagbaha sa panahon ng habagat.
Ayon sa PAGASA, pagkatapos ng habagat, makakaranas na ng kakulangan ng tubig-ulan na magdudulot naman ng tagtuyot.
Idinagdag pa ng PAGASA na makakaranas ang malaking bahagi ng bansa ng mainit at mahalumigmig na panahon ngayong summer dahil sa pagtatapos ng northeast monsoon season, o ang malamig na amihan.
Gayunman, sinabi ng PAGASA na ang matindi o mas mainit na temperatura ay asahan sa dry season sa 2027.










