
Tiniyak ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association (PHILRECA) na handa ang mga electric cooperative sa buong bansa na ipatupad ang kautusan ng Energy Regulatory Commission (ERC) na pansamantalang ihinto ang disconnection operations mula Mayo hanggang Hunyo 2026.
Ayon kay PHILRECA Executive Director Atty. Janeene Depay-Colingan, hindi na bago sa mga electric cooperative ang ganitong hakbang dahil naipatupad na rin ito noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic at iba pang kalamidad.
Sa ilalim ng direktiba, hindi muna magpapadala ng disconnection notices ang mga power cooperative at ililipat na lamang sa ibang buwan ang paniningil.
Sinabi rin ni Atty. Colingan na sumusunod na ang 111 electric cooperatives sa utay-utay na pagbabayad ng electric bill para sa mga konsumer na gumagamit ng hanggang 200 kilowatt-hours o kWh kada buwan.
Ipinatupad ng ERC ang kautusan kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na dulot ng tensyon sa Middle East.




