Umaasa ang pamahalaang panlungsod ng Tuguegarao na tatangkilikin din ng mga tricycle drivers ang mga electric-tricycle (E-Trike) na nauna nang ipinakilala sa lungsod.
Ayon kay Mayor Jefferson Soriano, naglaan ng P2.5 milyon ang city government bilang subsidiya sa mga nagnanais na bumili ng E-TRIKE bilang suporta sa modernization program.
Sa ilalim ng programa, mabibigyan ng tig- P25,000 ang unang isang daang indibidwal na bibili ng E-TRIKE.
Paliwanag ng alkalde, hindi magiging problema ang moratorium sa pagbibigay ng prangkisa sa mga ito dahil bibigyan ng exemption ang mga drivers and operators sa pamamagitan ng city council.
Bunsod nito, sinabi ni Soriano na makakatulong ang mga tricycle na tumatakbo sa electric motor upang mabawasan ang air pollution sa lansangan.
Magpapatupad rin ng total phase out ang mga city government laban sa mga tricycle na de-gasolina na nagtataglay ng 2-stroke engine na maituturing na perwisyo sa kalikasan dahil sa usok.
Sinabi ni Soriano na bukod sa E-Trike ay naglaan din ang pamahalaang lungsod ng tig-P5,000 para sa pagpapalit ng 2-stroke engine patungong 4-stroke.
Sa pamamagitan aniya ng mga programang may kinalaman sa pangangalaga at pagbabantay sa kapaligiran ay makakamit ng lungsod ang planong gawing ‘Smart City’.