Inaasahan na bago matapos ang taon ay magkakaroon na rin ng ilaw ang mga residente sa Sinundungan Valley sa bayan ng Rizal, Cagayan.
Ito ay matapos na isagawa ang ground breaking para sa pagpapailaw sa tatlong barangay sa nasabing lugar na kinabibilangan ng San Juan, Masim at Bural.
Sinabi ni Mayor Joel Ruma na ang nasabing proyekto ay sa pakikipagtulungan ng pamahalaan, Cagayan Electric Cooperative at lokal na pamahalaan ng Rizal.
Ayon sa kanya, sinisimulan na ng CAGELCO ang nasabing proyekto at ang ibinigay nila na panahon na matatapos ito ay sa loob ng tatlong buwan.
Sinabi niya na isang magandang regalo sa nasa 500 kabahayan sa mga nabanggit na barangay ang pagkakaroon nila ng ilaw bago ang Pasko.
Ayon sa alkalde, libre ang lahat ng materyales na ilalagay ng CAGELCO habang ililibre din ng LGU ang administrative cost sa kanilang kuryente.
Naniniwala si Ruma na magkakaroon ng pag-usbong at pag-unlad ng Sinundungan Valley dahil sa nasabing proyekto dahil tiyak na marami umano ang magkakainteres na mga negosyante.
Bukod pa ito sa lalo pang paglago ng turismo sa nasabing lugar kung saan kabilang sa mga pinupuntahan ng mga lokal at mga dayuhang turista ay ang crab pool at blue lagoon.
Tiniyak ni Ruma na walang dapat na ikabahala dahil sa naideklara na ang Sinundungan Valley na insurgency free o malaya na ito mula sa impluwensiya ng rebeldeng grupo.