Nananatiling payapa, tahimik at maayos ang botohan ngayong araw na ito sa lungsod ng Tuguegarao at lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay PMAJ Sharon Mallillin, information officer ng Police Regional Office 2, hanggang sa mga oras na ito ay wala pa silang naitatalang hindi kanais-nais na mga insidente sa gitna ng halalan ngayong araw na ito.
Sinabi ni Mallillin, nag-ikot mismo si PBGEN Antonio Marallag, director ng PRO2 kasama ang iba pang pulis sa ilang lugar sa Cagayan at walang natanggap o na-monitor na untoward incidents maging sa bayan ng Rizal, kung saan inirekomenda na ilagay sa red category dahil sa pagbaril-patay kay Mayor Joel Ruma noong April 23 at maging sa bayan ng Enrile na binaril-patay ang isang barangay kapitan noong May 9.
Ayon kay Mallillin, patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng mga pulis sa polling centers katuwang ang iba pang law enforcement agencies para matiyak na mananatili ang payapa at tahimik na halalan.
Samantala, wala ring naitala na malaking problema sa polling precicnts maliban lamang sa ilang nag-jam na automated counting machines o ACM na agad naman na naaayos ng technician mula sa Department of Education at Commission on Elections.
May ilang botante din na hindi agad na nahanap ang kanilang mga pangalan na may ilan na natugunan at nakaboto, subalit may ilang iba na walang pangalan na pinayuhan na magtungo sa Comelec para sa kanilang concerns.
May ilang ding senior citizen ang nahilo marahil dahil sa mainit na panahon, na agad naman na nabibigyan ng medical attention ng medical staff na nakatalaga sa polling centers.
Ang Tuguegarao City ang may pinakamaraming rehistradong botante sa Cagayan na 97,963, sunod ang bayan ng Solana na 51,787, pangatlo ang Baggao na may 50,449, pang-apat ang Tuao na may 39,161 at panglima ang Aparri na may 39,040 kabuuang registered voters.