Nakikipag-ugnayan umano ang embahada ng Pilipinas na nakabase sa Sudan upang malaman ang sitwasyon ng mga Overseas Filipino Workers na nagtatrabaho sa lugar.

Ayon kay Wilma Lorenzo- Bayaua, guro sa nasabing bansa at mula sa bayan ng Rizal Cagayan, nagpadala na ng google form sa mga OFWs ang embahada upang makuhanan sila ng mahahalagang impormasyon at maging ang kanilang contact sa Pilipinas na maaaring makaugnayan.

Gayonman, sinabi nito na maayos umano ang kalagayan ng maraming pinoy sa Sudan sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng mga raliyistang Sudanese at ng military forces.

Saad niya, napapabalita din sa lugar na balak muling magsagawa ng kilos protesta ng mga raliyista sa darating na Biyernes.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, tatlong araw silang hindi lumabas ng bahay at hindi na rin sila pinapasok sa eskwelahan kung saan sila nagtuturo mula ng mapabalita ang nangyayaring rally at kaguluhan.

Sarado rin umano ang marami sa mga lansangan at may mga nagbabantay na militar.

Ngayong araw lamang aniya sila nakalabas ng bahay ngunit ito ay upang makabili ng mga pangunahing pangangailangan kung saan kailangan din nilangg makabalik agad sa kanilang tinutuluyang apartment.

Sinabi pa ni Bayaua na marami rin sa lugar ang nawalan ng connection ng internet.

Nabatid mula kay Bayaua na tinatayang nasa humigit kumulang 3,000 mga pinoy ang nagtatrabaho sa ibat ibang sektor tulad ng milk industry, engineering department, farm, teachers at iba pa.