Naglabas ng abiso ang Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv na hinihikayat ang mga Pilipino sa Israel na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan at maghanda sa posibleng pagkanlong sa mga shelter kasunod ng inilunsad na pag-atake ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran.

Ayon sa embahada, ipinagbabawal sa kasalukuyan ang mga pampublikong pagtitipon at pansamantalang sarado ang lahat ng institusyon at tanggapan maliban sa mga nagbibigay ng essential services.

Tinatayang may hindi bababa sa 30,000 Pilipino sa Israel, karamihan ay nagtatrabaho bilang caregivers, habang mahigit 1,000 naman ang nasa Iran.

Samantala, sinabi ni Donald Trump sa isang video na inilabas sa social media na nagsimula na ang Estados Unidos ng “major combat operations in Iran,” at inakusahan ang Tehran na patuloy sa pagde-develop ng nuclear program. Iginiit din niya na umano’y gumagawa ang Iran ng mga missile na kayang umabot sa US at nanawagan sa mamamayang Iranian na “take over your government.”

Inaasahan namang maglalabas ng updated advisory ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Maynila kaugnay ng sitwasyon.

-- ADVERTISEMENT --