
Aprubado na ng House Committee on Ways and Means ang substitute bill na naglalayong bigyan ng emergency powers si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang tugunan ang matinding epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado dulot ng krisis sa Middle East.
Sa pamamagitan ng emergency powers ay maaaring pansamantalang suspindihin o bawasan ng Pangulo ang excise tax sa langis. Magtatagal ang emergency powers sa loob ng anim na buwan bagaman maari
itong paikliin o palawigin depende sa galaw ng presyo ng langis sa global markets at kung mas maagang babawiin o palalawigin ng Kongreso ng hanggang isang taon.
Maaaring magsuspinde o magbawas ng excise tax sa kung ang average ng Dubai Crude oil price ay umabot o lumagpas sa $80 kada bariles.
Maaari ring magbawas o magsuspinde ng excise tax ang Pangulo kung ang state of national emergency o calamity ay magresulta sa pambihirang pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ang Pangulo, sa pamamagitan ng Finance Secretary ay dapat namang magsumite ng ulat sa Kongreso ng naging basehan ng suspensyon o pagbawas sa excise tax, magkano ang mawawalang kita sa gobyerno at ang epekto nito sa inflation sa loob ng 15 araw mula sa pagpapatupad nito.
Sinabi ni committee chair Marikina City Rep. Miro Quimbo na isusumite ang panukala sa plenaryo ng Kamara upang agad na matalakay at maaprubahan.










