photo credit: PNP Region 2

Kulong ang isang empleyado ng LGU Aparri matapos masamsaman ng mga baril, bala at shabu nang halughugin ang bahay nito sa Brgy Maura, Aparri, Cagayan.

Kinilala ang suspek na si Wilfredo Aguilada II, 40 anyos na Incharge umano sa Waste Management ng Aparri.

Sa panayam kay PCAPT Tristan Jhon Zambale, hepe ng PNP Aparri, hinalughog ng mga otoridad ang bahay ng suspek sa bisa ng search warrant mula sa Regional Trial Court Branch 6.

Sinabi ni Zambale na umabot sa halos apat na oras ang ginawang paghahalughog ng mga otoridad kung saan nakuha sa kanyang bahay ang 31 pirasong bala ng 9mm, anim na piraso ng transparent plastic sachet ng shabu, walong piraso ng maliliit na pakete na naglalaman ng shabu, apat na bala para sa caliber 45, isang unit ng 9mm pistol na may magazine at limang bala, isang caliber 45 pistol na may tatlong magazine na kargado ng labing pitong bala.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Zambale, matagal na minamanmanan ang pagkakasangkot nito sa kalakaran ng droga kung saan maaari rin aniyang ang mga hawak na baril ay isinasangla sa kanya kapalit ng droga.

Kaugnay nito ay walang kaukulang dokumento ang mga nakuhang baril mula kay Aguilada na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o Illegal Possession of Fire Arms and Ammunation law at ng RA 9165 o Comprehenssive Dangerous Drugs Act of 2002.