Nakibahagi ang Employees’ Compensation Commission (ECC) Region 2 sa ika-13 Gawad Kaligtasan at Kalusugan (GKK) Regional Validation.
Layunin nitong kilalanin ang mga natatanging establishments at individuals na may kahanga-hangang dedikasyon sa pagtugon sa mga pangangailangan sa kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa at komunidad.
Sinabi ni Elpidio Atal, direktor DOLE Region 2, mahalaga ang pagpapanatili ng mahigpit na pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa mga lugar ng trabaho, at muling pinagtibay ang kolektibong responsibilidad ng lahat ng mga stakeholder sa pagtiyak ng kapakanan ng mga manggagawa
Aniya nagtipon ang mga kinatawan mula sa mga pangunahing organisasyon na bumubuo ng Regional Validating Committee at
masusing sinuri at isinailalim sa validation ang mga kasanayan sa occupational safety and health (OSH) ng dalawang natatanging establishimento sa rehiyon na pumasa sa paunang screening, kapwa sa pampubliko at pribadong sektor.
Ang validation ay naglalayong tiyakin na ang mga establishimentong ito ay nakakasunod sa lahat ng kinakailangang regulasyon sa kaligtasan at kalusugan upang maitaguyod ang mas ligtas na kapaligiran sa trabaho sa iba’t ibang sektor.
Ayon pa sa director na mananatiling matatag ang ECC Region 2 sa pagsuporta sa mga inisyatiba na naglalayong isulong ang mga pamantayan sa kaligtasan sa lugar ng trabaho sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap.
Ang GKK ay isang prestihiyosong pambansang parangal na isinasagawa ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng Occupational Safety and Health Center.