Isang enhenyero mula sa Tabuk City ang kabilang sa team ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) ang maglulunsad space rocket sa kalagitnaan ng taong 2022.
Kasama si Engr. Czar Augustus Domingo sa 27-strong NASA team na magpapalipad ng tatlong two-stage Black Bant IX sounding rockets sa Arnhem Space Centre na malapit sa equador sa Australia.
Layunin nito ay ang pagsasagawa ng astrophysics research para maobserbahan ng mga scientist ang mga astronomical objects na hindi kayang makita ng gamit ng NASA na Northern Hemisphere rocket ranges.
Nabatid na ito umano ang kauna-unahang pagkakataon na magpapalipad ang NASA ng space rocket sa pamamagitan ng commercial launching facility sa labas ng Estados Unidos.
Si Domingo ay lumaki sa Tabuk City at nagtapos ng sekondarya sa Tabuk City National High School noong 1980 habang nag-aral din ng pagka-enhinyero sa Mapua Institute of Technology.
Siya naman ang nanguna sa team ng Lead Network Engineer o Data Communication Engineer na nagdesinyo sa communication network ng launching site.
Inihayag niya na bagamat hindi pa umano niya narating ang pangarap bilang isang astronaut ay malaking bagay umano ang pagtatrabaho niya sa isang nangungunang space agency na naglulunsad ng space rocket na malapit sa kaniyang pangarap sa buhay.