Tinukoy ni Mayor Miguel Decena ang ilang maanomalyang proyekto sa imprastruktura at flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bayan ng Enrile, Cagayan.
Kabilang sa palpak na proyektong ito ang pagguho ng approach ng tulay na hindi pa nagagamit sa Barangay Alibago; overpricing at iregularidad sa kontrata ng dalawang evacuation center habang nakitaan rin umano ng iregularidad ang dalawang flood control projects.
Isiniwalat rin niya na isang hindi pinangalanang abogado ang siyang nag-utos sa pagpapatayo ng evacuation center sa Brgy Lanna na flood prone area habang hindi akma ang P6.8M na halaga ng napakaliit na evacuation center sa Villa Maria
Wala umanong koordinasyon sa lokal na pamahalaan ang naturang mga proyekto kung kaya nagsampa na ito ng kaso laban sa kontraktor na EGB construction na kabilang sa Top 15 contractor na may pinakamaraming proyekto para sa mga flood control projects na pinangalanan ni Pangulong Ferdinand Marcos.
Kasabay nito inihayag ni Decena na kaisa siya sa Mayors for Good Governance sa panawagang sugpuin ang katiwalian at nakahandang tumestigo sa Senado.
Nilinaw naman ni Decena na hindi siya kontra sa naturang mga proyekto kung dumaan sa tamang proseso upang masiguro ang tamang paggamit ng pondo.