Pinawalang-sala si dating Senator Juan Ponce Enrile, tumatayong chief legal counsel ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., maging ang kanyang dating aide na si Jessica Lucila “Gigi” Reyes, at Janet Lim Napoles, ang binansagan na pork barrel scam queen sa kasong plunder.
Ang hatol ng Sandiganbayan Special Third Division kina Enrile, Reyes, at Napoles sa promulgation ay nag-ugat sa mga kaso na may kaugnayan sa hindi tamang paggamit ng pork barrel funds, na naisiwalat noong 2013.
Ang desisyon ng anti-graft court ay matapos na tanggapin ang demurrer to evidence ni Enrile kaugnay sa kanyang kasong plunder.
Naghain ang Ombudsman ng plunder complaints laban kay Enrile, Reyes, Ronald Lim, John Raymund de Asis, at Janet Lim Napoles noong June 5, 2014.
Inakusahan sila ng pagkamal ng P172 million mula sa Priority Development Assistance Fund ni Enrile mula 2004 hanggang 2010.
Noong 2018, napatunayan ng Sandiganbayan si Napoles na guilty sa plunder sa hiwalay na kaso na may kaugnayan sa hindi tamang paggamit sa pork barrel fund ni Senator Ramon Revilla Jr.
Inihain din ang iba pang kaso may kaugnayan sa pork barrel scam laban kay Revilla at Jinggoy Estrada, subalit napawalang-sala ang dalawa.
Tumakbo sa pagkasenador sina Enrile, Revilla, at Estrada noong 2019 elections, subalit tanging si Revilla lamang ang nanalo sa nasabing halalan.
Muling tumakbo si Estrada noong 2022 kung saan siya ay nanalo.