TUGUEGARAO CITY- Itutuloy na ang entrance examination para sa mga gustong makapasok sa Philippine Air Force sa September 3 hanggang 9 ,2020.

Sinabi ni Col. Augusto Padua, group commander ng Tactical Operations Group 2, PAF na bukas na ng 8:00 pm ang deadline ng registration online para sa mga gustong maging officer candidate at candidate soldiers.

Ayon kay Padua, buksan lamang ang website ng PAF, ang https://recruitment.airforce.mil.ph para sa mga qualifications, requirement, procedures at instructions ng pagpaparehistro.

Pinayuhan din niya ang mga magpaparehistro na gumawa muna ng username at password para sa mabilis na pag-upload ng mga hinihinging requirements at gawin ito sa gabi o sa madaling araw.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Padua na hindi sila tatanggap ng mga walk-in dahil sa pag-iingat pa rin sa covid-19.

Kailangan din aniya na magsuot ng face mask at magdala ng sariling lapis sa mismong araw ng examination.

Ang examination ay isasagawa sa Cagayan State University sa Carig at sa Isabela State University sa Cauayan para sa mga applicants sa Region 2.