Bumaba na sa Moderate Risk Classification ang epidemic curve ng COVID-19 sa buong rehiyon dahil sa patuloy na pagbaba ng bilang ng mga nahahawaan ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Nica Taloma, Cluster head ng DOH Collaborating Centers for Disease Prevention and Control, kabilang sa mga dahilan ay ang tamang implimentasyon ng mga public health standards at agad na na-iisolate ang mga pasyente sa komunidad dahil sa pagsasagawa ng communuty testing.
Dagdag pa aniya rito ang pagtangkilik ng publiko sa vaccination program upang may proteksyon laban sa virus.
Sa tala ng kagawaran, bumaba na sa low epidemic risk classification ang probinsya ng Batanes mula sa dating high to critical risk ng sumirit ang kanilang kaso ng virus matapos ang pananalasa ng bagyong Kiko.
Ang Cagayan, Isabela, Santiago City, Nueva Vizcaya at Quirino ay nasa moderate classification din dahil sa pagbaba ng mga nagpopositibo sa sakit.
Saad niya, kung ikukumpara ang mga datos sa nakalipas na mga linggo at buwan ay bumaba ang naitalang 2 week growth rate ngayong Oktubre kung saan naitala ang 16% na Average Daily Attack Rate (ADAR).
Sinabi niya na sa ngayon ay bumubuti at lumuluwag na rin ang bed capacity sa mga pagamutan sa rehiyon ngunit mataas naman ang bilang ng mga okupadong ICU Beds para sa mga pasyenteng may severe at critical condition.
Samantala, sinabi niya na sa datos ng DOH Region 2, umakyat na sa 128,116 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng sakit sa rehiyon at sa nasabing bilang ay 117, 104 naman ang recovered.
Sa ngayon ay nasa mahigit 6,700 ang bilang ng mga active cases at ang mga nasawi ay umakyat na sa 4232.
Naitala rin ng ahensya ang 273 na bilang ng mga tinamaan ng Delta Variant.