Iginiit ni Sen. Chiz Escudero na hindi na katanggap-tanggap ang nagpapatuloy na deadlock sa Senado dahil naaapektuhan na nito ang kakayahan ng kapulungan na gampanan ang tungkulin nito para sa bayan.

Sa kanyang pagdalo sa sesyon nitong Miyerkules, nabuo ang quorum matapos siyang sumama sa 11 senador ng minorya, dahilan upang maituloy ang sesyon at ang paghalal ng mga opisyal ng Senado at mga chairman ng ilang komite.

Ayon kay Escudero, hindi ito usaping pampulitika at wala siyang pinapanigan na anumang grupo o paksyon. Aniya, mas mahalagang unahin ang kapakanan ng Senado bilang institusyon kaysa sa mga hidwaang pulitikal.

Kasunod nito, nahalal si Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at presiding officer, habang nagtalaga rin ang Senado ng mga bagong pinuno ng iba’t ibang komite.

Nagpasalamat naman sina Sen. Bam Aquino at Sen. Risa Hontiveros kay Escudero sa pagtulong upang maipagpatuloy ang trabaho ng Senado.

-- ADVERTISEMENT --