Binigyang-diin ni Senate President Francis Escudero na hindi basta-basta magkakaroon ng special session ang Senado para aksionan ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sinabi niya na kailangan ang proseso at basehan bago magpatawag ng special session.

Iginiit din niya na ang informal meetings o caucuses ng mga senador ay hindi special sessions na magco-convene bilang impeachment court.

Reaksion ito ni Escudero sa pahayag ni Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na kung hindi mananawagan ng special session si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., maaaring mag-convene ang Senado sa sarili nito bilang impeachment court kahit nakabakasyon ang Kongreso.

Nanawagan din si Pimentel kay Escudero na magpatawag ng caucus para pagpasiyahan ang timeline sa impeachment trial ni Duterte, kung saan naniniwala siya na pwedeng magsimula ang trial sa susunod na buwan.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit niya ang pangangailangan para sa kapwa niya senador na ipatupad ang kanilang tungkulin na magsagawa ng impeachment trial at hindi lang pagtuunan ng pansin ang pangangampanya para sa eleksion sa Mayo.

Sinabi ni Escudero na bagamat pag-uusapan pa nila ang mungkahi ni Pimentel, iginiit niya na wala siyang nakitang pangangailangan na tratuhin na iba ang impeachment laban kay Duterte sa mga naunang mga kaso.

Ang tinutukoy ni Escudero ay ang impeachment cases ni dating Chief Justice Renato Corona at dating Ombudsman Merciditas Gutierez.

Sinabi ni Escudero sa kaso ni Corona, kasalukuyan pa ang sesyon ng Senado pero hindi ito nag-convene bilang impeachment court hanggang sa matapos ang Christmas break.

Sa kaso naman ni Gutierez, sinabi niya na may tatlong araw na sesyon sa panahong iyon, subalit nag-convene lamang pagkatapos ng recess o sa loob ng isa at kalahating buwan.