Ipinagtanggol ni Senate President Francis “Chiz” Escudero si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ang Pangulo ay patungo na sa pagiging isang diktador.
Sinabi ni Escudero na hindi siya sang-ayon sa mga pahayag ni Duterte.
Ayon sa kanya, ang paratang na ito ng dating pangulo ay hindi makatuwiran at walang katotohanan.
Sinabi ni Escudero na dahil sa hindi pinaniniwalaan ng marami ang mga akusasyon laban kay Marcos na isa siyang mahinang lider, ngayon naman ay inaakusahan siya ng kabaliktaran at posible na maging isang diktador.
Ayon kay Escudero, ang mga pahayag na ito ng mga Duterte ay inconsistent.
Idinagdag pa niya na matagal na niyang kilala si Marcos at napatunayan niya sa pag-uugali at work ethic ng pangulo na iba siya sa kanyang ama na si Marcos Sr.
Una nang pumalag ang Malacañang sa pahayag ni Duterte na papunta na sa pagiging diktadurya ang administrasyon ni Marcos Jr.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, walang batayan at katawa-tawa ang pahayag ni Duterte na aniya’y hindi rin naman pinapansin ng mga Pilipino.
Para sa kanila ay kathang-isip lang din ito at isang kwento ng taong sanay magsinungaling at mag-imbento ng panloloko.
Giit pa ni Bersamin, ang pahayag ni Duterte ay isa na namang ‘budol’ mula sa ‘one-man fake-news factory’ o pabrika ng pekeng balita.