Pinagsabihan ni Senate President Francis Chiz Escudero si Senator Imee Marcos na iwasang gamitin ang Senado na platform para sa kanyang personal political objectives.

Ito ay kasabay ng kanyang panggigiit na hindi nabigyan ng due process si Special Envoy on Transnational Crimes Ambassador Markus Lacanilao matapos na siya ay i-cite in contempt dahil sa umano’y pagsisinungaling sa pagdinig ng Senate committee on foreign relations tungkol sa pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte.

Binatikos ni Sen. Marcos si Escudero matapos ipag-utos ang pagpapalaya kay Lacanilao.

Subalit, sagot ni Escudero, ang pag-apruba ng Senate President ay hindi otomatiko o ministerial dahil lamang sa kanyang kagustuhan.

Gayunpaman, sinabi ni Escudero na maglalabas siya ng show cause order para kay Lacanilao ngayong araw para pagpaliwanagin sa loob ng limang araw kung bakit hindi siya dapat ma-cite in contempt.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, dito siya magpapasiya kung kailangan niyang lagdaan ang detention order laban kay Lacanilao.

Nangako si Escudero na pag-aaralan niya ang commitee proceedings at ipatutupad niya ang kanyang tungkulin at discretion na naaayon sa batas upang matukoy kung ito ay may political agenda o motivation, at para sa interes ng mamamayan, ng ating bansa, at ang Senado bilang isang institusyon.

Binigyang-diin niya na hindi siya papayag na gagamitin ang Office of the Senate President sa iba pang partisan interests, lalo na sa mga muling kumakandidato.

Ayon sa kanya, hindi dapat na ginagamit ang Senado para sa self-promotion.

Na-cite in contempt si Lacanilao matapos na paulit-ulit na itinaggi kung alam niya kung dinala si Duterte sa isang competent national judicial authority.

Ginawa ni Senator Ronald dela Rosa ang mosyon na inaprubahan ni Panel Chairperson Senator Imee Marcos.

Hiniling ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ikonsidera ang kanilang desisyon, subalit tinanggihan ito.