
Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang 34-anyos na Estonian vlogger na si Siim Roosipuu noong Enero 15 dahil sa umano’y pangha-harass sa mga Pilipino, kabilang na ang mga menor de edad, pati na rin sa reklamo ng hindi awtorisadong pagkuha ng video at pang-iinsulto.
Isinagawa ang pag-aresto ng mga operatibo ng BI at anti-terrorist group kasabay ng koordinasyon sa Philippine National Police.
Ayon sa BI, si Roosipuu na may YouTube channel na “Pro Life Traveler” ay idineklarang persona non grata ng lokal na pamahalaan sa Negros Oriental dahil sa mga reklamo ng harassment, bastos na pananalita, at content online na nakasisira sa dangal ng mga Pilipino.
Naipasa ang resolusyon ng city council sa mga pambansang ahensya na humantong sa agarang aksyon at pag-aresto sa banyaga.
Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na hindi tolerado ng Pilipinas ang mga banyagang nananamantala sa mga Pilipino para lamang sa views o likes.
Kasalukuyang nakatakdang ideport ang vlogger matapos ang insidente.










