Dumulog na sa Korte Suprema ang kampo ni Senador Jinggoy Estrada upang hilinging baligtarin ang naging desisyon ng Sandiganbayan na hindi siya pinayagang makadalo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte-Carpio.

Naghain ang kampo ni Estrada ng petition for certiorari laban sa desisyon ng Sandiganbayan Fifth Division na nagbasura sa kanyang mosyon noong Hulyo 9, 2026.

Ayon sa law firm na Flaminiano Arroyo & Dueñas, nagkaroon umano ng grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction ang Sandiganbayan nang tanggihan ang kahilingan ng senador.

Iginiit ng mga abogado na bagama’t nakakulong si Estrada sa New Quezon City Jail dahil sa kinahaharap nitong kasong plunder, nananatili pa rin umano ang kanyang katayuan bilang incumbent senator at ang kanyang mga tungkulin bilang halal na mambabatas.

Binigyang-diin din ng kampo ni Estrada na ang impeachment trial ay isang makasaysayang prosesong itinatadhana ng Saligang Batas at nangangailangan ng personal na pagdalo ng lahat ng senator-judges.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan, nahaharap si Estrada sa kasong plunder kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.