Iniimbestigahan na ang isang post na kumakalat tungkol sa mga estranghero na lumalapit umano sa mga batang mag-aaral sa mga paaralan at nagpapakilala bilang kanilang mga kamag-anak.
Ayon kay Mayor Maila Ting Que ng lungsod ng Tuguegarao, agad silang nagpatawag ng pagpupulong kasama ang PNP, mga magulang, at mga guro upang talakayin at personal na makausap ang tatlong bata at mga magulang ng mga bata.
Sa nasabing pagpupulong ay napag-alaman na nangyari umano ang paglapit ng mga estranghero sa mga bata sa loob at labas ng paaralan sa Tuguegaro Northeast Central School.
Base sa salaysay ng isang bata, ay nilapitan umano siya ng isang lalake na naka-hood at mask at nag-alok ng candy at nagpakilala bilang kamag-anak ng kanyang mga magulang at ang isa namang bata ay nakasakay sa tricycle nang may nagbigay din ng kendi habang ang isa pa ay hindi pa nakakausap.
Dito na inalam kung saang lugar mismo nangyari ang ulat upang malaman kung nakuhanan ba ito ng cctv at malaman ang pagkakakilanlan ng tinutukoy ng mga bata.
Kaugnay nito, sinabi ni Mayor Que na huwag mag-panic dahil hindi pa naman mabatid kung ano ang tunay na pakay ng sinasabing estranghero, dahil sa ngayon ay sinabing nagbigay lamang ito ng candy.
Pinayuhan din niya ang mga magulang na laging sabihan ang kanilang mga anak na huwag basta sasama sa mga hindi nila kakilala.