Arestado ang isang 19-anyos na estudyante na kabilang sa most wanted persons ng Valenzuela City dahil sa kasong statutory rape at sexual assault.

Sa bisa ng manhunt operation na ikinasa ng Northern Police District (NPD), natunton at nadakip ang akusado dakong alas-1:10 ng hapon sa Barangay Paso De Blas.

May kinakaharap ang suspek na tatlong kaso ng statutory rape, dalawang kaso ng rape by sexual assault, at isang paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.

Ang bawat kaso ay may inirekomendang piyansa na P200,000 habang ang kaso ng RA 9995 ay may piyansang P42,000.

Batay sa ulat, inisyu ng Valenzuela City Family Court Branch 16 ang warrant of arrest laban sa estudyante.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na siya ng NPD-Custodial Facility Unit habang hinihintay ang commitment order mula sa korte.