
Isang 18-anyos na estudyante ng University of Abra ang nagtamo ng sugat sa kanang binti matapos barilin ng kapwa estudyante sa labas ng kanilang paaralan sa Sitio Mapaloong, Barangay Poblacion, Lagangilang, Abra nitong Biyernes, August 22, 2025.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Prince Albert Barbosa, residente ng Sitio Masanad, Barangay Libtec, Dolores.
Ayon kay PLTCOL. Daniel Pel Ey, Provincial Information Officer ng Abra Provincial Police Office, nangyari ang insidente bandang alas-3:40 ng hapon .
Batay sa imbestigasyon, tinukso umano ng suspek si Barbosa sa loob ng paaralan, at matapos ito ay inabangan siya sa barangay road.
Doon siya pinaputukan ng tatlong beses, at nagtamo ng isang tama sa kanyang kanang binti.
Kinilala ang gunman na si Jave Talaga Bragas, 24-anyos, estudyante rin ng nasabing unibersidad at residente ng Calao, Bucay.
Kasama niya bilang driver ng motorsiklo si Mark Kevin Amaro, 18-anyos, residente ng San Isidro, Lagangilang, Abra at isa ring estudyante.
Ayon sa pulisya, nasa ilalim umano ng nakalalasing na inumin si Bragas nang mangyari ang insidente.
Agad tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril sakay ng kanilang motorsiklo.
Narekober sa crime scene ang dalawang basyo ng caliber .45 at isang deformed slug.
Sa kasalukuyan ay nilalapatan ng lunas si Barbosa sa Abra Provincial Hospital.
Patuloy naman ang isinasagawang manhunt operation ng mga otoridad para sa agarang pagkakaaresto ng mga suspek na mahaharap sa kasong frustrated homicide.